Nagbabala ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa publiko kaugnay ng mga kumakalat na pekeng text message o “smishing” na gumagamit sa pangalan ng ahensya upang manlinlang at magnakaw ng mga personal at pinansyal na impormasyon.
Ayon sa PHLPost, karaniwang nagpapadala ang mga scammer ng mensahe na may kalakip na kahina-hinalang link. Sinasabi sa naturang text na may problema umano sa delivery ng parcel dahil sa kulang na address, o kaya’y kailangang magbayad agad ng “redelivery fee” gamit ang credit o debit card.
Mariing nilinaw ng ahensya na hindi galing sa kanila ang mga naturang mensahe. Hindi kailanman humihingi ang PHLPost ng mga sensitibong detalye tulad ng:
1. Bank account numbers at card information
2. Passwords
3. One-Time Passwords (OTPs) sa pamamagitan lamang ng text message.
Pinapayuhan ang publiko na huwag mag-click ng mga kahina-hinalang link, huwag magbigay ng personal o banking information, huwag magbayad sa mga hindi beripikadong website at suriin muna ang pinagmulan at pagiging totoo ng bawat mensaheng natatanggap bago gumawa ng anumang aksyon.
Para sa lehitimong pag-track at pagberipika ng parcel, gamitin lamang ang opisyal na website ng PHLPost at mga awtorisadong channel nito.
Patuloy na nananawagan ang ahensya sa lahat na manatiling mapagmatyag at alerto sa mga natatanggap na text, email, at mensahe sa social media.















