Nanawagan ang Digital Pinoys ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga pananggalang upang hindi ma-access ng mga menor de edad ang mga video game na naglalaman ng matinding karahasan at iba pang mature na content.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo na bahagi ito ng kanilang adbokasiya para sa mas ligtas na cyberspace.
Ayon kay Gustilo, bagama’t walang malinaw na ebidensyang nagsasabing ang mga video game lamang ang direktang nagdudulot ng marahas na pag-uugali, maaari pa ring magkaroon ng negatibong epekto sa pag-unlad ng pag-iisip at pananaw ng mga bata ang maagang pagkakalantad sa mga graphic at mature na nilalaman, lalo na kung wala silang sapat na gabay.
Ito ang naging pahayag ng grupo kasunod ng mga ulat na iniuugnay ang larong GoreBox sa insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban.
Binigyang-diin din niya na ang isyu ay hindi lamang ang nilalaman ng laro kundi ang kakulangan ng epektibong age verification at iba pang child safety measures.
Aniya, kahit may 18+ rating ang naturang video game, naa-access pa rin ito ng ilang menor de edad.
Dagdag pa ni Gustilo, mahalaga ring mabantayan ang online gaming communities dahil maaari ring maimpluwensyahan ng mga nakakasalamuha at nakakausap ng mga bata ang kanilang pag-uugali at pananaw.
Nanawagan naman ito sa mga gaming platform, app developers, mga magulang, at mga ahensya ng gobyerno na magtulungan upang mapalakas ang parental controls, age verification systems, at iba pang hakbang para maprotektahan ang mga kabataan sa online space.
















