Paulit-ulit na LTMS outages, senyales na kailangang mapasakamay na ng LTO ang buong sistema – Digital Pinoys
Nanawagan ang Digital Pinoys sa Land Transportation Office (LTO) na agarang makuha ang buong kontrol sa Land Transportation Management System (LTMS), kasunod ng sunod-sunod na service outages na nakaaapekto sa mga motorista.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo na malinaw na ipinapakita ng paulit-ulit na aberya sa LTMS ang pangangailangang maibigay na sa LTO ang source code at iba pang mahahalagang deliverables mula sa dating service provider na Dermalog.
Ayon kay Gustilo, matagal nang natapos ang kontrata ng Dermalog at na-extend pa ito para sa transition period.
Aniya, dapat noon pa naibigay sa LTO ang lahat ng kanilang obligasyong deliverables, kabilang ang source code na mahalaga sa operasyon, maintenance, at seguridad ng sistema.
Iginiit din niya na matagal nang nabayaran ng mamamayang Pilipino ang naturang sistema kaya nararapat lamang na agad itong ma-turnover sa gobyerno upang mapatakbo nang maayos at hindi na umasa sa dating contractor.
Sinabi rin ni Gustilo na batay sa pahayag ng LTO, nakahanda na ang IT Department ng ahensya na tanggapin at pamahalaan ang source code. Gayunman, hindi ito maisasakatuparan hangga’t hindi pa ito naipapasa ng dating provider.
Binigyang-diin pa niya na ang pagkakaroon ng ganap na kontrol ng LTO sa LTMS ay makabubuti sa mga motorista, mga nagbabayad ng buwis, at sa pagsusulong ng digital governance ng bansa.
Aniya, dapat tiyakin ng pamahalaan na makumpleto ang turnover sa lalong madaling panahon upang maging ganap na independent ang LTO sa pagpapatakbo at pangangasiwa ng sistema.
















