Reading Time: 1 minute

VIGAN CITY – Dead on arrival sa pagamutan ang lalaking bumili lamang ng gamot nang pagbabarilin ito sa Pandayan, San Juan, Ilocos Sur, nitong alas-11:15 ng umaga.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, ang biktima ay nakilalang si Apolo Urbien Villacillo na residente ng Barangay Lira, San Juan.

Pauwi na umano ang biktima at tinatahak nito ang timog na direksyon ng kalsada sakay ng kaniyang motorsiklo nang makarating sa arko ng Barangay Pandayan, bigla na lamang itong pinagbabaril ng mga hindi pa kilalang nakamotorsiklong suspek.

Nagtamo ng tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na rason ng kaniyang kamatayan kahit na naitakbo ito sa Pira Clinic and Hospital, Cabugao, Ilocos Sur.

Sa ngayon, ini-imbestigahan pa ang nasabing pangyayari upang matukoy kung sino ang mga suspek at masampahan ng karampatang parusa.