CEBU CITY – Sumuko sa mga pulis ang suspect sa pagpatay sa isang tricycle driver na ginilitan ang leeg sa may bahagi ng Brgy. Banilad, lungsod ng Mandaue, Cebu.

Kinilala ang suspek na si Lary Ambungan Suplaag, 34, at isang construction worker habang natukoy naman ang biktimang si Dale Jumao-as, 27, residente ng nasabing barangay.

Ayon kay P/EMSgt. Dexter Martin, imbestigador ng Mandaue City Police Office-station 4 na matindi raw ang galit ng suspect sa biktima dahilan na nagawa nito ang krimen.

Napag-alaman na ninakaw umano ng biktima ang kanyang “mountain bike.”

Kuwento ng suspek na nakita nito sa CCTV na ang bitkima na kanyang matalik na kaibigan ang kumuha ng kanang bisikleta.

Dahil sa galit, sinaksak ni Suplaag ang biktima sa leeg.

Natagpuan na lang na walang buhay ang biktima sa loob ng kanyang tricycle nitong Sabado ng umaga.

Nakadetine na ngayon ang suspect sa Mandaue City Police Office station 4 at nakatakdang sampahan ng kaso.