KORONADAL CITY – Patuloy na pinaghahanap sa ngayon ng mga otoridad ang isang mister matapos na mabaril-patay ang sariling misis sa Brgy. Datalbob, bayan ng TBoli, South Cotabato, pasado 9:45 ng umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay P/Maj. Bernie Faldas, chief of police ng Tboli PNP, tumakas ang suspek matapos ang pamamaril sa biktima.

Kinilala ang biktima na si Emma Cabel Segundo, 55, residente ng nasabing lugar habang ang suspek ay sariling mister nito na si Freddie Cail Segundo, 47, isang magsasaka.

Ayon kay Faldas, nais umano ng mister na iurong ang kaso na isinampa sa kanya nang isa sa mga anak ng biktima.

Hindi umano pumayag si misis dahilan na nagkaroon ng sagutan ang dalawa.

Nabatid na mayroong 3 anak ang biktima sa una nitong kinakasama bago nagpakasal kay Freddie Segundo.

Tinamaan ang biktima sa katawan at ulo na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Narekober naman sa crime scene ang 4 na fired cartridge ng caliber .45 na baril.

Hindi pa naman malinaw kung anong kaso ang isasampa sana ni misis sa suspek.