Dumaranas ng sprain sa kanyang kanang hinlalaki si Lakers star Anthony Davis na nakuha nito sa preseason game ng Los Angeles kontra sa Brooklyn Nets sa Shenzhen, China.

Sinasabing natamo ni Davis ang sprain nang tamaan nito ang bola sa kalagitnaan ng first quarter.

Nanatili muna sa laro si Davis at pina-tape pa nito ang kanyang hinlalaki habang break, ngunit nagtungo na ito sa locker room kalaunan at naglagay na ng ice pack sa kanyang kanang kamay.

Batay sa inisyal na pagsusuri, wala namang napinsalang ligament, at pinaniniwalaang Grade 1 sprain ang iniinda ni Davis.

Sasailalim sa MRI sa araw ng Linggo ang Lakers superstar.

Sa naturang laro, nabigo ang Lakers 91-77, at kumamada ng 19 points si Davis sa kanyang 2-for-7 shooting, at may palamuti pang tatlong rebounds, dalawang butata sa loob ng 12 minuto.

Sunod na haharapin ng Lakers ang Golden State Warriors sa Staples Center. (Reuters)