-- Advertisements --

Tuluyan nang natanggal ang Los Angeles Lakers sa 2025 playoffs matapos ibulsa ng Minnesota Timberwolves ang Game 5, daan upang umusad sa semifinals.

Nagawa ng Wolves na ibulsa ang pitong puntos na kalamangan sa pagtatapos ng laban, 103-96, sa pangunguna ng bigman na si Rudy Gobert. Gumawa si Gobert ng 27 points at 24 rebounds habang 15 points at 11 rebounds ang naging ambag ng Wolves guard na si Anthony edwards.

Bagaman tatlong player ng Lakers ang nakagawa ng 20-point performance, hindi ito naging sapat upang ibulsa ng koponan ang Game 5, dahil inalat na ang iba pang player nito.

Nanguna sa opensa ng Lakers si Luka Doncic na gumawa ng 28 points at siyam na assists; 22 points at pitong rebounds ang ambag ni Lebron James, habang 23 points ang ipinoste ni Rui Hacimura.

Hinabol pa ng Lakers ang 10 points na kalamangan ng Wolves sa 1st half ng laban at ipinoste ang 31 – 22 run sa kabuuan ng 3rd quarter, dahilan upang maibaba ang lamang sa isang puntos.

Gayonpaman, mistulang napabayaan pa rin ng Lakers ang 4th quarter dahil tanging 16 points lamang ang nagawa nilang ipasok sa loob ng 12 mins habang nagpaulan ng 22 points ang Wolves.

Nagawa ng Wolves na iposte ang panalo sa pamamagitan ng dominanteng depensa kung saan hawak ng koponan ang lahat ng aspeto ng defense mula sa rebounding, blocks, steals, at maging sa mga pinuwersang turnover.

Sa kabilang banda, naging mas episyente ang shooting ng Lakers at napanatili nito ang 42.3 overall shooting percentage kumpara sa 40.4 lamang ng Wolves.

Gayonpaman, mas maraming shots ang pinakawalan ng Wolves sa kabuuan ng laban, kasama na ang 33 free throw calls na iginawad dito.

Makakaharap ng Wolves ang mananalo sa pagitan ng Golden State Warriors at Houston Rockets. Ang naturang laban ay kasalukuyang nasa 3-2, pabor sa GS. (report by Bombo Genesis)