Matagumpay na natapos ang ikinasang Philippine- Australia Army-to-Army exercise (PAAE) o mas kilala sa tawag na Kasangga Exercises sa Camp Evangelista sa Cagayan De Oro nitong Martes, Hunyo 24.
Layunin ng naturang pagsasanay na mas palalimin pa ang kooperasyon at ugnayan ng dalawang mga bansa lalo na sa mga usapin ng depensa at seguridad sa loob ng Indo-Pacific Region.
Sa mahigit isang buwan na pagsasanay, 140 mga sundalo mula sa Hukbong Katihan at 90 mga sundalo mula sa Australian Army ang siyang nakilahok sa Kasangga 2025.
Kasama sa kanilang naging pagsasanay ang urban operations, breaching operations, tactical combat casualty care, jungle survival training pati na rin ang mobility, counter-mobility at reconnaissance operations.
Hinikayat naman ni AFP Eastern Mindanao Command Chief LtGen. Rex Luis Bergante ang dalawang kampo na sana ay patuloy nilang palakasin ang kanilang mga ugnayan at kooperasyon sa ngalan ng kapayapaan at katatagan ng Indo-Pacific Region.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Australian Defense Force MGen. Mark Ascough para sa isang matatag na koordinasyon ng Pilipinas sa kanilang bansa sa pagsusulong ng kaayusan at seguridad sa naturang rehiyon.