Ayaw paawat ng Los Angeles Lakers sa pamamayagpag nang umabot na sa pito ang kanilang winning streak ng panibagong mabiktima ang Atlanta Hawks, 101-96.

Ito na ang ika-24 na panalo ng Lakers ngayong season at meron pa lamang tatlong talo.

Mistula namang walang kapaguran ang 34-anyos na NBA superstar na si LeBron James na bumida pa rin kahit nagpalipat lipat ito ng estado dahil pumunta muna ng Ohio para manood sa laro ng anak bago naman tumungo ng Atlanta, habang nitong nakaraang araw ay nasa Miami siya.

Muntik pang makapagtala ng triple double performance si James na may 32 points, 13 rebounds at seven assists.

Liban sa showtime performance ni LeBron, hindi rin nagpahuli si Anthony Davis na may 27 points.

Sa Miyerkules tutungo naman ang Lakers sa Indiana.

Ang Hawks naman ay dadayuhin ang New York para sa match-up ng dalawang worst teams sa East.