-- Advertisements --

Inaasahang ookupahin muli ng Lakas-Christian Muslim Democrats district representatives ang malaking bahagi ng Mababang Kapulungan matapos manalo ang karamihan sa kanila sa katatapos na May-12 Midterm Elections.

Batay kasi sa inisyal na report mula sa internal monitoring system ng naturang partido, posibleng ookupahin ng Lakas-CMD congressmen ang kabuuang 104 seat sa Kamara o halos 1/3 na ng kabuuang miyembro nito.

Ayon kay Lakas-CMD executive director Anna Capella Velasco, isinasapinal pa ang karagdagang report mula sa 26 na lugar mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Region IX at Region X.

Gayunpaman, lumalabas aniya na marami sa mga probinsya sa buong bansa ay naghalal ng mga kandidato ng Lakas-CMD, kabilang ang 15 governor, 22 vice govenor, 24 city mayor, 23 vice mayor, at 385 municipal mayor.

Una na ring sinabi ni Speaker Martin Romualdez na ang naging panalo ng mga naturang kandidato ay hindi lamang panalo ng Lakas-CMD kungdi isang malakas na paalala mula sa mga Pilipino. Ito ay isa rin aniyang duty na pagsilbihan ang publiko na magtiwala sa mga kandidato at kaalyado ng naturang partido.

Ayon kay Romualdez, ang lakas ng naturang partido ay hindi lamang sa mataas na numerong nakuha nito sa katatapos na halalan kung di sa tiwalang ipinagkaloob ng mga botante sa bawat probinsya, syudad, at munisipalidad.