Suportado ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson sina Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian at Senate President Vicente Sotto III sa panawagang tanggalin ang unprogrammed appropriations sa 2026 National Budget.
Ayon kay Lacson, makikiisa siya sa posisyon ng Senado sakaling magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa Bicameral Conference Committee.
Binigyang-diin ng senador ang mga ulat nitong Biyernes na nagsasabing tinutulan ng Kamara ang mungkahing bawasan ang P250-bilyong unprogrammed appropriations.
Sa mga ulat, sinabi ni House Appropriations Chairperson Mikaela Suansing na hindi umano kayang alisin ng pamahalaan ang pondo para sa mga foreign-assisted projects.
Kung mananatiling magkaiba ang posisyon ng Senado at Kamara, sinabi ni Lacson na kakampi ng Senado ang taumbayan na galit sa katiwaliang lumitaw sa mga maanomalyang proyekto sa flood control at imprastraktura.
Bukod dito, nanawagan din si Lacson sa mga kapwa mambabatas na umiwas sa paglalagay ng mga personal o individual amendments sa budget bill, at sa halip ay magpokus sa mga institutional amendments na nakabatay sa konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan.