TACLOBAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagtatagain ng kanyang sariling tiyuhin sa Brgy. Lonoy, Kananga, Leyte.

Kinilala ang biktima na si Ricky Teves, 30, isang laborer at residente ng Brgy. Mahawan, Kananga, Leyte samantalang kinilala naman ang suspek na si Danilo Nidora, 59, laborer at residente ng Sitio Mahawan Dako, Brgy. Mahawan, Kananga, Leyte.

Ayon kay SMSgt. Aldwin Ala, duty investigator ng Kanangga police, nagkainuman muna ang biktima at suspek sa isang videoke bar bago mangyari ang insidente.

Matapos ito ay sinabihan umano ng suspek ang biktima na umuwi na dahil lasing na ito.

Nainsulto daw ang biktima kung kaya’t nakipagsuntukan ito sa suspek pero agad namang bumunot ng bladed weapon ang suspek at pinagtataga ang biktima sa leeg nito.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga kapulisan ang suspek at nahaharap na sa karampatang kaso.