Nananatiling minimal ang pinagsamang epekto ng bagyong Bising at Habagat sa sektor ng pagsasaka sa bansa.
Sa kabila ng mga serye ng pag-ulan na dulot ng dalawang sama ng panahon, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na walang napaulat na malawakang pinsala na dulot ng mga ito, batay na rin sa inisyal na assessment ng mga field office.
Sa katunayan aniya, naging malaking tulong pa para sa mga magsasaka ang ulan na dulot ng sama ng panahon.
Umangat din aniya ang lebel ng tubig sa mga sakahan at mga dam, na maaaring magamit ng mga magsasaka para sa sapat na irigasyon.
Sa kasalukuyan aniya, marami sa mga magsasaka ang nagtatanim o kakatanim pa lamang sa kanilang mga sakahan, habang minimal lamang ang mga nag-aani.