CAUAYAN CITY – Patuloy na tinututukan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kaso ni Jeanelyn Villavende , ang OFW na pinatay ng kanyang amo sa Kuwait.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa January 31, 2020 ay nakatakdang siyang lumipad patungong Kuwait upang alamin ang development sa kaso ni Villavende.
Gayundin ang paglagda sa kontrata sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng standard employment contract na nakalagay ang mga probisyon para seguridad ng mga OFW sa Kuwait.
Magtutungo anya siya sa Kuwait makaraang anyayahan siya ng pamahalaan doon pangunahin na ang kanilang Secretary of Justice, Secretary of Interior at Secretary of Foreign Affairs.
Itinakda anya ang kanyang pakikipagpulong sa mga nasabing opisyal ng Kuwait sa Feb. 2-3, 2020.
Sinabi pa ni Bello na bagamat mayroon ng patunay na ipinadala ang nasabing bansa sa pagkakulong ng mga suspek, sa kanyang pagtungo sa Kuwait ay titiyakin niyang nakakulong ang dalawang suspek na pumatay kay Villavende.