-- Advertisements --
April Boy burol

Nagsimula na ang unang lamay para sa OPM (Original Pilipino Music) legend na si April Boy Regino kagabi.

Tulad nga sa unang lumabas na napag-usapan daw ng pamilya ni April Boy, natuloy iburol ang kanyang labi sa Idolstar Restobar sa Calumpang, Marikina City.

Malapit lamang sa naturang bar ang bahay nina April Boy o Dennis Regino Magloyuan Magdaraog sa tunay na buhay.

Mismong ang biyuda nitong si Madelyn ang nag-post sa ilang eksena sa lamay kung saan puno ng mga kulay puting bulaklak, at naka-display din na para bang exhibit ang mga naka-frame na larawan nito kalakip ang mga CD at award ng kanyang hit songs.

Agaw-pansin naman ang mismong labi ng 59-year-old OPM icon kung saan may suot pa rin ito na baseball cap na siyang trademark niya tuwing magpi-perform noon.

April Boy burol 2

Bandang alas-3:00 ng madaling araw kahapon, Linggo, nang pumanaw si April Boy sa ospital sa Antipolo City, dahil sa chronic kidney disease stage 5 at acute respiratory disease.

Una nang na-diagnose si April Boy na mayroong prostate cancer noong 2009, at naging cancer free naman noong 2013.

Gayunman, sunod siyang dinapuan ng congestive heart failure kung saan nahirapan daw siyang huminga hanggang sa naging “Bedridden” matapos ma-confine sa ospital ng dalawang araw.

Sunod na naging sakit nito ay ang diabetes, dahilan para mabulag ang kanyang kaliwang mata ngunit unti-unti ay nagamot din noong sumailalim sa medication.

Ilan sa mga awitin ni April Boy, na madalas ay bida rin sa mga videoke ang “‘Di ko kayang tanggapin,” “Umiiyak ang Puso,” “Paano ang puso ko,” at marami pang iba.

Naulila ng tinaguriang Jukebox King noong dekada nobenta ay ang kanyang misis, dalawang anak, at isang apo.