Tuluyan nang tumigil ang pag-apaw ng tubig sa La Mesa Dam sa Quezon City matapos ang bahagyang paghupa ng mga malalakas na pag-ulan sa Metro Manila.
Batay sa report ng Hydrology Division ng state weather bureau ngayong July 23, bumaba ng mahigit 20 centimeters ang lebel ng tubig sa naturang dam sa nakalipas na magdamag.
Umaabot na lamang sa 79.94 meters ang antas nito, mula sa dating 80.17 meters nitong nakalipas na araw.
Sa kasalukuyan, tanging tatlong major dam na lamang ang nagpapakawala ng tubig dahil sa nagpapatuloy na pag-ulan.
Tatlong gate ang nakabukas sa Ambuklao Dam na nagpapakawala ng kabuuang 227 cms ng tubig habang isang gate ang nakabukas sa Ipo Dam at nagpapakawala ng 37 cms ng tubig.
Ibinaba na rin ng Binga Dam sa dalawa ang dating anim na floodgate na binuksan. Kasalukuyan itong nagpapakawala ng kabuuang 128 cms ng tubig.
Sa nakalipas na magdamag ay kapwa umangat ng mahigit isang metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam at San Roque Dam. Gayonpaman, nananatiling malayo ang kasalukuyang lebel ng tubig ng mga ito sa kani-kanilang normal high water level.