Proud na ibinahagi ni actress at beauty queen Kylie Verzosa ang kanyang bagong pag-aari na isang bahay sa Puglia, Italy na binili niya kasama ang ilang kaibigan.
Sa isang Instagram Story, ipinakita ni Kylie ang larawan ng kanilang villa na tinawag nilang Villa Sogno, na nangangahulugang “dream villa.”
Aniya, “Bought a house in Italy… she’s finally ours.”
Isa sa mga co-owner ng villa ay ang Danish musician na si Tomas Barfod, na nagbahagi rin ng mas malalim na silip sa disenyo ng bahay sa kanyang Instagram.
Ang villa ay may stone façade, central courtyard, landscaped gardens, at isang turquoise pool na kumukumpleto sa Mediterranean charm ng lugar.
Tampok din sa bahay ang arched windows, barrel-vaulted ceilings, at interior na may halong rustic at eleganteng estilo.
Makikita sa loob ng bahay ang farmhouse-style dining area, wicker chairs, four-poster bed, at isang copper-toned bathtub sa silid-tulugan.
Noong nakaraang taon, sinimulan ni Kylie ang kanyang pagiging entrepreneur sa pamamagitan ng pag-launch ng sariling shapewear clothing line. Siya rin ay huling napanood sa pelikulang “Penduko” noong 2023 Metro Manila Film Festival kasama si Matteo Guidicelli.