Tiniyak ng pamahalaan ang agaran at buong suporta para sa 112 na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga dependent na umuwi sa bansa mula sa Dubai, United Arab Emirates, sa pamamagitan ng pagbibigay ng comprehensive assistance package pagkalapag pa lamang sa paliparan.
Sa pinagsanib na pwersa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ng Department of Migrant Workers (DMW), agad na sinalubong at inasikaso ang mga Pilipinong sakay ng Emirates Flight EK334.
Mula sa paliparan, ligtas na inilipat ang mga pasahero sa isang holding area sa pasilidad ng DTI-PTTC upang matulungan sa kanilang mga bagahe at sumailalim sa inisyal na pagproseso.
Ayon sa ulat ng ahensya, nabigyan ang mga umuwing Pilipino ng special financial assistance pati na rin ng libreng pagkain habang naghihintay sa lugar.
Upang masigurong ligtas at maayos ang pag-uwi ng mga OFW sa kani-kanilang mga pamilya, naglaan din ang gobyerno ng temporary accommodation at transport assistance.
Kasama rito ang pag-aasikaso ng mga koneksyong biyahe para sa mga nakatira sa Visayas at Mindanao. Samantala, land travel naman ang inihanda para sa mga biyaherong pauwi sa Metro Manila, CALABARZON, at Central Luzon.
Nilinaw ng OWWA na ang malawakang pag-ayuda na ito ay nakapaloob sa whole-of-government approach ng kasalukuyang administrasyon.
Binigyang-diin ng ahensya na ang mabilis at maayos na serbisyong ibinigay sa mga manggagawang Pilipino ay direktang pagtalima sa utos ng Pangulo na ilapit at tiyaking abot-kamay ng mga mamamayan ang tulong ng gobyerno, saanmang bahagi ng mundo sila nanggaling.
Patuloy na naka-monitor ang mga ahensya upang alalayan ang mga OFW hanggang sa makauwi sila sa kanilang mga probinsya.















