Nagdesisyon ang Korte Suprema na ang mga hindi kilala o hindi sikat ay hindi dapat awtomatikong ideklara bilang nuisance candidate.
Sa inilabas na pahayag ng high court, ang pagdedeklara ng isa bilang nuisance candidate dahil lamang sa hindi siya kilala sa buong bansa ay nagpapababa sa proseso ng elektoral na isang sagradong instrumento ng demokrasya.
Ang usapin ng pagiging kilala (o hindi kilala) ng kandidato ay hindi dapat i-base laban sa kandidato ngunit mas mabuting ipaubaya sa mga botante.
Inilabas ng Korte Suprema ang desisyon dahil “partly granted” nito ang petisyon ng animal rights advocate na si Norman Cordero Marquez, na tinaguriang “nuisance candidate” ng Commission on Elections (Comelec) noong 2022 national at local elections matapos niyang i-rehistro ang kanyang kandidatura sa pagka-senador.
Ang Korte Suprema, sa isang dalawampung (20)-pahinang desisyon na isinulat ni Justice Amy C. Lazaro-Javier, binigyang-diin na ang isang kandidato ay itinuturing na may tunay na layunin na tumakbo kapag sila ay maaaring magpakita ng kaseryosohan sa pagtakbo sa pwesto.