-- Advertisements --

Nasungkit ni Korean cyclist Joo Dae Yeong ang kampeonato sa 2025 Tour of Luzon matapos ang isang matinding laban sa Stage 8 na nagtapos sa Camp John Hay, Baguio City noong Mayo 1.

Sa kabila ng pagkasira ng kanyang likurang gulong, nagtala si Joo ng oras na 4:21:31 sa 177.54-kilometrong race mula Lingayen, Pangasinan.

Sa kabuuan, nagtala si Joo ng 22:21:08 sa walong yugto ng karera na umikot sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Tarlac, Pampanga, Pangasinan, at Benguet. Nakamit niya ang P1 million bilang premyo at napanatili ang yellow na jersey mula simula hanggang dulo kahit na tatlo sa kanyang apat na kakampi ay naaksidente sa Stage 6.

Tumapos sa ikalawang puwesto si Jan Paul Morales na may kabuuang oras na 22:21:14, anim na segundo lamang ang agwat kay Joo. Bagamat nanghinayang, masaya pa rin si Morales sa kanyang pagbabalik matapos ma-aksidente sa unang yugto.

Samantala, sinorpresa ni Joshua Pascual ang lahat sa pamamagitan ng pagkapanalo sa Stage 8 at tinanghal bilang “Eagle of the Mountain”.

Ang 2025 Tour of Luzon ay isa sa pinakainabangang karera ng bisekleta sa kasaysayan sa bansa.