-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Sinuspinde ang klase mula pre-school hanggang senior high school sa lungsod ng Baguio matapos ang isang lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Cordillera Region, umaga nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025.

Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang lindol sa lakas na Magnitude 4.4 na may epicenter sa bayan ng Pugo, La Union.

Bagaman hindi kalakasan ang magnitude, umabot sa Intensity V ang naramdaman sa Baguio City, dahilan upang agad na ipatupad ang suspensyon ng klase bilang pag-iingat.

Dahil sa malakas na pagyanig, agad na pinalabas ang mga pasyente at kawani ng Cancer Center ng Baguio General Hospital and Medical Center upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Sa isang hotel sa lungsod, napilitang lumikas ang mga panauhin at kalahok ng isang pagtitipon matapos maramdaman ang pag-uga ng gusali.

Ilang mag-aaral naman sa Baguio City National High School ang hinimatay dahil sa matinding takot at gulat dulot ng pagyanig.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang City Building and Architecture Office, sa pangunguna ni Architect Johnny Degay, sa mga administrador ng paaralan, mall, at iba pang pampubliko at pribadong gusali upang masigurong ligtas ang mga estruktura at walang nasira sa gitna ng lindol.

Tiniyak din ng lokal na pamahalaan na isinasagawa ang assessment sa mga pangunahing gusali sa lungsod.

Nagpaalala si Albert Mogol, Regional Director ng Office of the Civil Defense – Cordillera, sa publiko na laging maging handa at sundin ang tamang hakbang sa oras ng lindol gaya ng “Duck, Cover, and Hold.”

Hinihikayat rin ng ahensya ang mahigpit na pagsunod sa mga protocol upang maiwasan ang anumang disgrasya sakaling magkaroon ng mga aftershock.

Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa posibleng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.