-- Advertisements --

Tinukoy ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang pampalubag-loob ang umano’y mas mataas na posisyon na naghihintay sana sa kaniya kung piniling mag-resign bilang alkalde ng Baguio.

Ayon kay Magalong, mas epektibo siya bilang imbestigador, kung nanatili sana siyang bahagi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Mahalaga aniya ang papel ng isang imbestigador sa ICI dahil siya ang magsisiyasat sa lahat ng isyung bumabalot sa public infrastructure, kasama na ang personal na pagbisita sa mga ito.

Ito ay malayong naiiba aniya sa papel ng mga commissioner.

Giit ng alkalde, ang kaniyang tungkulin sa ICI ay sapat na para matunton niya ang mga anomalyang bumabalot sa mga public infrastructure project at mailantad ang mga responsableng indibidwal.

Hindi rin aniya opsyon na mag-resign siya bilang alkalde ng Baguio City.

Giit ng alkalde, pinili siya ng mga botante ng naturang lungsod upang makapagsilbi.

Nanindigan ang opisyal na kaya niyang gampanan ang dalawang posisyon – bilang alkalde at imbestigador,lalo na at mismong ang Palasyo Malakaniyang aniya ang gumawa ng paraan para siya ay mapabilang sa ICI.