Mananatili na ‘forever’ sa Ombudsman ang kopya ng mga isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net worth o SALN mula sa mga opisyal ng pamahalaan.
Ito mismo ang kinumpirma ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, kasalukuyang tagapagsalita ng Office of the Ombudsman.
Aniya’y mananatili ‘virtually forever’ ang kopya ng mga naturang dokumento na isinumite sa tanggapan kahit pa matapos ang prescriptive period na itinakda.
Panuntunan kasi ng Ombudsman na sa loob lamang ng 20 taon nila itatabi ang natanggap na mga kopya o physical copies nito.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, alinsunod o nakabatay raw ang naturang 20 years prescriptive period sa RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Dahil rito’y ipinaliwanag ni Assistant Ombudsman Clavano kung bakit at para saan magagamit ang mas pinahabang taon sa pagpapanatili ng kopya ng SALN.
Kung ikukumpara kasi sa panahon ni Ombudsman Samuel Martires, bago si Ombudsman Jesus Remulla, ang naturang dokumento ay sinisira o pinupunit matapos ang sampung taon mula nang ito’y matanggap.
Ngunit nilinaw ni Ombudsman Spokesperson Clavano na bagama’t maari itong ma-access forever virtually, hindi aniya ito nangangahulugan magagamit bilang ebidensya sakaling lumagpas na sa prescriptive period.
Kaya naman buhat nito’y ibinahagi ni Assistant Ombudsman Clavano ang kahalagahan na mapanatili ang mga isinusimeteng SALN ng mga opisyal.
Magagamit aniya ito upang mapagkumpara ang accumulation of wealth o kayamanan ng isang lingkod bayan sa ilang taon at bilang tool na rin para sa lifestyle checking.















