ILOILO CITY – Humingi na nang paumanhin ang kontrobersyal na pari ng Saint Augustine Catholic Parish Church sa Dumangas, Iloilo hinggil sa kumalat na video ng umano’y pagtaboy nito sa pamilya na namatayan palabas sa simbahan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Rev. Fr. Juan Parreñas, sinabi nito na walang malisya ang kanyang naging reaksyon dahil walang katotohanan na pinalabas niya ang pamilya Poblador na kaanak ng namatay.
Ayon sa kanya, sinabihan niya ang emcee na tapusin na ang picture-taking ng pamilya ng namatay dahil may susunod pa na binyag.
Ngunit, hindi tumigil ang pamilya at nagpatuloy pa sa pagkuha ng litrato.
Dahil dito, sinenyasan ni Fr. Parreñas ang photographer na itigil na ang pagkuha ng litrato.
Umaasa naman ang pari na matatapos na ang kontrobersiya matapos na nagharap-harap na rin ang mga ito.
Samantala, pinasinungalingan naman ng pamilya ng namatay ang pahayag ng pari na humingi ng tawad sa kanya ang pamilya.
Ayon naman kay Delia Dimson, anak ng namatay, sinabi nito na hindi sila humingi ng tawad at wala silang dapat ihingi ng tawad dahil wala silang kasalanan sa nasabing pari.