KALIBO, Aklan —- Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang batas na bubuo ng Boracay Island Development Authority (BIDA) na mahigpit tinututulan ng mga stakeholders at iba pang grupo sa isla.
Sa House Bill 9826 o ang panukalang BIDA Act, umabot sa 193 mambabatas ang sumang-ayon, habang pito ang kumontra at walang nag-abstain.
Ang BIDA Bill ay kabilang sa priority bills na nais ni Pangulong Duterte na agad maaprubahan.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang government-owned and -controlled corporation (GOCC) ang mamamahala, magpapa-unlad, magpapatakbo, magpapanatili, at magre-rehabilitate ng Boracay Island Development zone kasama dito ang kabuuan ng Boracay Island at mga nakapalibot na isla kabilang ang Barangay Caticlan.
Ang development zone ay magiging self-sustaining industrial, commercial, leisure, financial, at investment center upang makapag-produce ng maraming trabaho at makahikayat sa pagsulong ng productive local and foreign investments kung saan istriktong nasa prayoridad pa rin ang protection at preservation ng natural resources at biodiversity ng Boracay.
Layon ng panukalang batas na isulong ang responsableng turismo sa pamamagitan ng pakikilahok ng local communities kabilang ang mga indigenous peoples na mangangalaga ng biophysical at cultural diversity.