Inihayag ng Department of Health (DOH) na patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng dengue sa bansa, na ngayon ay itinuturing nang seryosong banta sa kalusugan ng publiko.
Mula Enero hanggang Hunyo 2025, umabot na sa 23,000 ang kaso ng dengue — mas mataas ng 59% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Sa bilang na ito, 470 na ang naitalang nasawi.
Pinakamataas ang bilang ng kaso sa CALABARZON, na may 19,500 kaso at 62 ang namatay.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, hindi mapipigilan ang pagtaas ng kaso ng dengue hangga’t hindi naa-address ang mga lugar kung saan nangingitlog ang mga lamok.
Kaugnay nito, pinag-aaralan ng DOH ang paggamit ng Wolbachia method, isang makabagong paraan mula sa Jakarta, Indonesia, na gumagamit ng bacteria upang pigilan ang pagdami ng mga lamok na may dengue.
Bukod dito, isinasaalang-alang na rin ang paggamit ng QDenga -dengue vaccine na ginagamit na sa mahigit 40 bansa. Ngunit nilinaw ng DOH na ito ay para muna sa mga ospital at hindi para sa malawakang pagbabakuna.
Ayon kay DOH Secretary Herbosa, kailangan pang magsumite ang pharmaceutical company ng risk management plan, lalo’t tinanggal na ang bakuna sa ilang merkado gaya ng Estados Unidos.
Suportado naman ng Philippine Medical Association ang paggamit ng QDenga. Ayon kay PMA President Dr. Hector Santos, mas ligtas ito kumpara sa Dengvaxia dahil ang QDenga ay batay sa mga aktwal na kaso ng dengue, at hindi mula sa yellow fever strain.