NAGA CITY- Pinaniniwalaan ngayon ng mga otoridad na posibleng may koneksyon sa trabaho ang nangyaring pananambang sa isang judge sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur.
Maaalalang pasado alas-2:30 kahapon ng tambangan ng riding in tandem ang sinasakyang behikulo nina Judge Jeaneth Gabinde-San Joaquin kasama ang kanyang personal secretary na si Rocelle Martinez at isa pang kasama nito sa bahagi ng Brgy. Puro Batia sa naturang bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na posibleng may koneksyon sa mga nahawakang kaso ni Judge Gabinde-San Joaquin ang motibo sa nangyaring pananambang kung saan sugatan ang aide nito.
Halos pitong basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.
Sa ngayon, nasa mabuti nang kalagayan sina Judge Gabinde-San Joaquin at ang kasama nito maliban kay Martinez na nasa ICU pa dahil sa tinamong tama ng baril.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit ops ng mga otoridad sa mga suspek sa nasabing pananambang.