Nangako si Senate Blue Ribbon Committee Chair Sen. Rodante Marcoleta na nakahanda ang naturang komite na makipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gagawin nitong imbestigasyon sa mga ghost public infrastructure project.
Sa pagdinig ng komite sa naturang isyu, inamin ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na may mga ghost public infra project sa bansa, lalo na ang mga flood control.
Ngunit pagtitiyak ng kalihim, nagsasagawa na ang ahensiya ng mga serye ng imbestigasyon laban sa mga sangkot upang mkapaghain ang mga ito ng kaukulang kaso.
Ayon kay Sen. Marcoleta, nakahanda ang komite na tulungan ang DPWH sa imbestigasyon nito sa mga ghost project atbpang maanomalyang public infra projects, saanmang bahagi ng bansa.
Nakahanda rin aniya ang komite na mag-deputize ng isa nitong staff upang makatulong sa isasagawa nitong imbestigasyon.
Sa katunayan aniya, nakahanda rin siyang sumama sa mga field validation na gagawin ng DPWH sa lahat upang tukuyin ang kalidad ng mga itinatayong istraktura, kasabay ng malawakang imbestigasyon.
Hiniling din ng senador kay Sec. Bonoan na magpahiram muna ito ng isang backhoe upang tunguhin ang ilang project site at tingnan ang kalidad ng mga ito.
Pagbibiro pa ng makapangyarihang Blue Ribbon Committe chair, wala siyang kakayahang bayaran ang isang backhoe kaya’t nakiki-usap siya sa kalihim na maglaan muna mula sa kanilang mga heavy equipment.