Patuloy na namamayagpag ang Cebu sa larangan ng Engineering, matapos makapasok ang 3-Cebuano sa inilabas na resulta ng August 2025 Licensure Examination for Mechanical Engineering.
Nakuha ni Haries Sayaboc ang Rank-3 na may rating na 91.10% at nagtapos sa University of Cebu; Habang si Jose Manuel Gaquit na nagtapos sa Cebu Institute of Technology-University at Paul Victor Ricardo Posadas na nagtapos naman sa University of San Carlos ay parehong nakuha ang Rank 5, sa rating na 90.00%.
Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu kay Gaquit, inihayag nito na sa kabila ng kanyang tagumpay ay hindi umano madali ang kanyang pinagdaanan.
Aniya, bago pa man ang naturang pagsusulit ay mas marami umano ang oras na ginugol nito sa pagtulog at ang tanging nakakapag-paggising sa kanyang diwa ay paghilig nito “procrastination” upang tapusin ang mga naka takdang-aralin.
Sinabi pa nito na may pagkakataon din umano na nahuhuli na ito sa kanyang mga dapat na i-review kung kaya’t malaking bagay din umano ang commitment sa sarili na tapusin ang bawat reading materials na nakalaan.
Inialay din ng binata ang kanyang tagumpay sa kanyang mga kapatid at ina nito na mag-isang nag-taguyod at lumaban sa lahat ng hamon hanggang sa ito’y maging ganap na Mechanical Engineer.
Dagdag pa ni Gaquit na isa umano sa mga ritwal na ginawa bago pa man ang nakatakdang pagsusulit ay ang pagsusuot ng pulang underwear maging ang paglalagay ng barya sa kanyang sapatos upang maibsan ang kaba at pangamba.
Ngunit, nilinaw nito na kahit pa man sinunod nito ang ganitong paniniwala, ay hindi umano ito ang basehan upang maipasa ang prestihiyosong pagsusulit.
Payo naman nito sa gustong tahakin ang kurso na huwag kalimutan ang taimtim na dasal sa Poong Maykapal, bigyan ng sapat na oras ang sarili upang magpahinga, at maging consistent sa pagbibigay ng oras sa mga takdang-aralin dahil isa umano ito susi upang maging isang ganap ng Engineer.