Iginiit ng koalisyon 1SAMBAYAN na hindi imposibleng bawiin o panibaguhin ng Kataastaasang Hukuman ang inilabas nitong desisyon patungkol sa Impeachment.
Naniniwala ang naturang koalisyon na ito’y maari pa ring mangyari kahit pa ang naging resulta ng botohan ng mahistrado ay sa pamamagitan ng ‘unanimous decision’.
Ayon kay Atty. Howard Calleja, Co-convenor ng 1SAMBAYAN Coalition, marami namang desisyon ang muling binalikan o ibinaliktad ng Korte Suprema sa mga nakaraan nitong desisyon.
Ito’y sa kabila ng 13-0-2 resulta ng mga boto o 13 mahistrado ang bumoto ng pabor sa deklarasyon, isa ang nag-abstain habang ang isa nama’y naka-‘leave’.
Aniya’y panawagan nila sa Korte Suprema na bigyang pansin ang kanilang inihain na ‘motion for reconsideration’.
Hiling kasi ng naturang koalisyon na mairekunsidera ng Kataastaasang Hukuman ang inisyu nitong deklarasyon na ‘unconstitutional’ ang ‘articles of impeachment’ ng Kamara.
Habang tiwala naman si Atty. Howard Calleja ng 1SAMBAYAN coalition na hindi maituturing ‘moot and academic’ ang kanilang mosyon inihain sa Korte Suprema.
Ito’y kahit pa anong desisyon ng senado sa usapin ng ipinasang Impeachment ng Kamara kontra kay Vice President Sara Duterte.
Giit kasi ng naturang abogado na ang kanilang mosyon at petisyon ay hindi lamang tumutukoy patungkol lamang sa mga personalidad kundi sa merito ng naging desisyon.
Maalalang idineklara ng Supreme Court ang ‘articles of impeachment’ bilang ‘unconstitutional’ sa basehang hindi nasunod ng Kamara ang ‘1 year ban rule’ at pagkakaroon ng ‘due process’.
Binigyang diin ng Korte Suprema na ito’y agarang ipinatupad sapagkat nakasaad sa desisyon na ‘immediately executory’.