Lumalabas na maaaring humalili bilang konsehal ng Davao City ang bunsong anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Veronica “Kitty” Duterte.
Ito ay dahil nakatakdang manumpa ang pamangkin ni Kitty na si Davao City Councilor Rigo Duterte bilang Bise Alkalde ng lungsod bago matapos ang taong 2025.
Nauna nang pinalutang ng mga tagasuporta ng pamilya Duterte ang pangalan ng nakababatang Duterte na papalit sa mababakanteng posisyon ng kaniyang pamangkin.
Ayon kay acting Vice Mayor Rigo Duterte, opisyal siyang manunumpa kasama ang kaniyang tiyuhin na si Acting Mayor Sebastian Duterte sa katapusan ng Nobiyembre o sa unang bahagi ng Disyembre ng 2025, kayat naging palaisipan kung sino ang hahalili sa mababakante niyang posisyon.
Si Rigo Duterte ay anak ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na panganay na anak ni dating Pangulong Duterte.
Ipinaliwanag naman ni Davao City Councilor Danilo Dayanghirang na kwalipikado si Veronica Duterte na humalili bilang konsehal sakaling i-nominate siya ng Hugpong sa Tawong Lungsod political party na pinamumunuan ng Duterte.
Base sa probisyon ng batas hinggil sa succession sa pamamagitan ng political nomination, nakasaad na ang itatalaga sa bakanteng posisyon ay dapat na magmula sa parehong political party ng konsehal na babakante sa naturang pwesto, subalit, kailangan aniya na ang kaniyang nominasyon ay pagpasyahan at i-endorso ng lider ng Partido.
















