-- Advertisements --

CEBU CITY – Kinumpirma ng Baclayon Municipal Police station na pansamantalang sinuspendi ang lahat ng water-activities ng Pamilacan Island sa Baclayon Bohol.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCapt Ariel Aspiras, Chief of Police ng Baclayon Municipal Police Station, sinabi nito na naglabas na ng municipal ordinance ang local na pamahalaan kaugnay nito.

Kasunod na rin ito ng pagkalunod ng dalawang Korean nationals noong Miyerkules, Mayo 28, na kinilalang sina Kwon Seong Il, 77 anyos at Choi Duk Sun, 73 anyos.

Ito’y para bigyang daan ang imbestigasyon upang tingnan at masuri kung ano pa ang dapat ayusin para hindi na maulit ang insidente.

Sinabi ni Aspiras na batay sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon ng water activities ang dalawang biktima kasama ang iba pang Korean nationals galing sa Panglao patungo sa Pamilacan island nang mangyari ang insidente.

Batay pa sa investigator, mayroon umanong kasamang dive master na Korean ang mga ito at 6 na lokal na tour guide.

Mayroon din aniya silang suot na life vest ngunit batay sa death certificate, ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito ay acute respiratory failure na sinundan ng asphyxia by drowning.

Aniya, unang nakitang lumutang ang babaeng Korean na si Choi at habang nagsiahon ang iba pang nag snorkling na mga dayuhan ay nakita naman ang isa pang casualty na si Kwon.

Agad pa umanong dinala ang dalawa sa mainland ng Baclayon o nasa 13 kilometro pa ang layo at doon na idineklarang dead on arrival.

Nakatakda namang i-cremate ang bangkay ng mga biktima bago dalhin pabalik sa South Korea kung saan nitong Huwebes na sana ang kanilang pagbalik sa naturang bansa.

Samantala, patuloy naman ang kanilang imbestigasyon kung may lapses ba ang dive shop, kung sino ang may liabilities at kung totoo bang nagsagawa ng briefing at medical checkup bago isinagawa ang aktibidad.

Wala pa din umanong katiyakan kung kailan muling papahintulutan ang water activities ng naturang isla.

Binigyang-diin naman nito ang kahalagahan ng kondisyong medikal at equipment bago isagawa ang kahalintulad na aktibidad parang hindi na maulit ang insidente lalo na sa tourist spot sa Bohol.