-- Advertisements --

Matapos basagin ang 27 taong rekord sa secondary boys’ 5,000-meter run, muling nakasungkit ng ikalawang gintong medalya ang isang Boholano sa 3,000-meter steeplechase sa nagpapatuloy na 65th Palarong Pambansa.

Si Jhul Ian Cañalita na tubong Garcia Hernandez, ay nagpapatibay sa kanyang katayuan bilang isa sa standout distance runners.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Athletics Coach Jojo Orcullo, ibinahagi nitong emosyonal at mangiyak-ngiyak sa tuwa si Cañalita matapos itong makasungkit ng dalawang gintong medalya.

Sinabi pa ni Orcullo na hindi pa umano inaasahan ng atleta na makuha ang dalawang record-breaking at hindi rin alam na ito pala ang kanyang target nung nagtraining pa lamang sila sa Bohol.

Bagama’t inaasahan na umano niya ito, bilang coach ay masaya siya at halos di mapaliwanag pa ang kanyang nararamdaman sa pagkapanalo ng 16 anyos na atleta.

Dagdag pa nito na sa huling dalawang lapse ni Ian ay alam na niyang mabasag ang record dahil ang plano nilang breakaway ay 5 lapse.

Kwento pa nito na dahil sa hirap ng buhay kaya nagpursige si Ian na maging champion dahil gusto nitong makaahon sa buhay.

Umaasa din umano ito magpapatuloy pa ito at matuloy ang kanilang paglahok sa Asian Youth athletics championship sa Bahrain sa darating na Oktubre.

Aminado naman ang coach na nagkaroon sila ng adjustment bago ang laro pagdating pa nila sa Ilocos Norte dahil sa matinding init ng panahon kaya nama’y binababad niya sa init ang mag atleta para maka adapt sa klima.

Hindi naman umano ito nakaapekto sa kanilang mga laro.

Kabilang naman aniya sa kanilang estratehiya para makamit ang pagkapanalo ay ang konsistent na training, at pagbawas sa mga pagkakamali dahil aniya, mahirap makarekober pag may isang pagkakamali lamang.