Tinawag ni Vice President Sara Duterte ang kanyang impeachment trial sa Senado bilang isang “crucifixion” kasabay ng kanyang pagdiriwang ng ika-47 taong kaarawan sa The Hague, Netherlands kung saan nakaditine si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay VP Sara, ang impeachment trial ay isang uri ng pag-uusig—isang uri aniya ng crucifixion.
Kapag mayroon aniyang crucifixion nangangahulugan na mayroong dugo kaya naman isa ito aniyang bloodbath.
Sa palagay ng bise presidente marami ang hindi nakaunawa ng sinabi niyang “bloodbath” at marami aniya ang ayaw unawain kung ano ang ibig sabihin nito.
Kung maaalala, sinabi ni VP Sara na nais niyang matuloy ang paglilitis sa kanya dahil nais niyang magkaroon ng “bloodbath” na ikinabahala naman ng ilang senador at kongresista.
Una nang kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ipipresenta o babasahin ang Articles of Impeachment laban kay Duterte sa Hunyo 11, 2025 upang bigyang-daan na talakayin muna ang mga prayoridad na panukalang batas bago mag-adjourn ang 19th Congress.
Dahil anim na sesyon na lang ang natitira sa loob ng dalawang linggo, binigyang-diin ni Escudero na kinakailangang maipasa ang mga nakabinbin na priority measures bagong matapos ang 19th Congress.