Itinanggi ng Philippine Navy (PN) ang napaulat na maritime patrol ng Chinese navy at coast guard sa Scarborough shoal na tinatawag ding Bajo de Masinloc o Panatag shoal sa West Philippine Sea (WPS) ngayong Sabado, Mayo 31.
Ayon kay PN spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, base sa monitoring ng Armed Forces of the Philippines, at PN sa WPS kabilang sa mga sovereign waters sa Bajo de Masinloc at sa nasasaklaw ng 200 nautical miles ng exclusive economic zone ng PH, walang namataang ganoong aktibidad mula sa Southern Theater Command ng People’s Liberation Army o ng China Coast Guard.
Subalit, kinumpirma ng PN ang presensiya ng 2 barko ng China Coast Guard at anim na maritime militia vessels sa Bajo de Masinloc.
Mayroon din aniyang apat na bangkang pangisda mula sa Vietnam ang namataan at 3 fishing vessels mula sa Taiwan sa naturang shoal.
Muli naman iginiit ng PN official na ang ganitong mga claim ay bahagi ng information-shaping operations ng Chinese Communist Party para matugunan ang anumang internal dissent o lumikha ng international discourse na pabor sa kanila.
Sa kabila nito, ipagpapatuloy ng PN at AFP ang pagbabantay at pagprotekta sa ating maritime domain habang nananatiling committed sa pagpapanatili ng kapayapaan at stability sa rehiyon.
Ginawa ng PN ang naturang pahayag matapos iulat ng Chinese media ang pagsasagawa umano ng tropa ng Chinese navy ng combat readiness patrol sa karagatan at himpapawid ng Scarborough shoal na tinatawag ng China bilang Huangyan Dao.
Isinagawa umano ito ng Southern theater navy command para sa pagpapatuloy ng pagpapalakas pa ng patrol at alert operations sa may Huangyan Dao.