-- Advertisements --
Clippers kawhi paul george
Los Angeles Clippers squad (photo from @ClipperNationCP)

Patuloy ang pamamayagpag ng Milwaukee Bucks kahit pasok na ito sa NBA playoffs nang panibagong mabiktima ang Charlotte Hornets, 93-85.

Wala ring patawad ang NBA MVP na si Giannis Antetokounmpo na tumipon ng 41 points, 20 rebounds at six assists para sa kanilang 52-8 record.

Sa ibang game, muli na namang minalas ang NBA defending champion na Toronto Raptors nang pahiyain sila ng Denver Nuggets, 133-118.

Nanguna sa Nuggets si Nikola Jokic na may 23 points, 18 rebounds at 11 assists para sa kanyang ika-12 triple-double performance.

Ito na ang ika-41 panalo ng Denver habang napako naman ang Raptors sa 42-18 record.

Sa kabilang dako, nagsama naman ng puwersa sina Kawhi Leonard at Paul George kung saan naitala ng Los Angeles Clippers ang ika-41 panalo laban sa Philadelphia Sixers, 136-130.

Si Leonard ay umiskor ng 30 habang si George naman ay nagdagdag ng 24.

Sa kabuuan apat na players ang nagbuslo ng 24 points o mahigit pa na ikalawang pangyayari sa franchise history.

Na-extend din sa apat ang winning streak ng Clippers.