CENTRAL MINDANAO-Nakatakas at hindi pinalaya ang isang kawani ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco) na dinukot sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Kier De Vera Selibio, lineman, Solar Installer at Photo Voltaic Mainstreaming technician ng Cotelco at residente ng Barangay Katidtuan Kabacan Cotabato.
Unang kinumpirma ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr na ang biktima ay nakawala sa mga suspek sa bahagi ng Don Carlos Bukidnon at kinuha ito ng mga tauhan ng Kabacan PNP.
Matatandaan na may inayos si Selibio na Solar Panel sa Barangay Napalico Arakan North Cotabato.
Pauwi na ang biktima at pagsapit nito sa Barangay Kabalantian Arakan ay doon na siya hinarang ng apat na mga armadong kalalakihan.
Piniringan ang kanyang mata at pinainom umano siya ng gamot kaya nawalan ito ng ulirat at nang magising ay nasa bahagi na siya ng Don Carlos Bukidnon.
Hindi naman sinaktan si Selibio ng mga suspek ngunit minsan lang umano siyang pinakain at pinainom ng tubig.
Nalingat umano ang mga suspek kaya nakatakas ang biktima at agad humingi ng saklolo sa mga residente kaya sinundo ito ng mga pulis mula sa bayan ng Kabacan.
Mismong si Mayor Guzman Jr at maybahay nito na si ABC President Evangeline Guzman ang nagdala sa pagamutan sa biktima para masiguro ang kalusugan nito.
Sa ngayon ay nakauwi na si Selibio sa kanyang pamilya at nakatakda itong bumalik sa trabaho.