-- Advertisements --

Pormal ng inirekumenda ng Independent Commission for Infrastructure at Department of Public Works and Highways sa Office of the Ombudsman na mapakasuhan sina former House Speaker Martin Romualdez at ex-Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Pasado alas-otso ng umaga ay ipinasa na ng komisyon at kagawaran ang pinagsamang rekomendasyon sa Ombudsman ukol sa imbestigasyon kaugnay sa flood control projects anomaly.

Personal na dumating sina Public Works and Highways Sec. Vince Dizon, ICI Chairman Justice Andres Reyes, at Commissioner Rogelio Singson upang isumiye ang naturang rekomendasyon.

Ayon kay Secretary Dizon, kanilang inirerekumendang masampahan sina Romualdez at Co ng kasong plunder, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at direct bribery.

Dagdag pa niya, alinsunod ang paghahain ng rekomendasyon matapos ding iaanunsyo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang patungkol rito kaninang umaga.

Kung kaya’t ipinauubaya na lamang aniya raw ang malalimang imbestigasyon sa Office of the Ombudsman at pagsasapinal na maihain bilang kaso.

Binigyang diin ni Sec. Vince Dizon na kanilang hindi ihahain ang rekomendasyon kung wala namang matibay na basehan.

Isa sa mga pinakakasuhan ay si former House Speaker Romualdez kung saan sinabi niya na ang mga testimonya sa naganap na pagdinig ng senado kamakailan ay siyang kanilang ginamit.

Isa sa mga batayan aniya para mapakasuhan si Romualdez ay ang testimonya ng umano’y security aide ni Zaldy Co na si Orly Guteza.

Habang ang mga dokumento mula Department of Public Works and Highways at kontrata ng mga kumpanyang inuugnay kay Zaldy Co ang siyang naging batayan naman para siya’y irekumendang makasuhan.

Partikular na mga construction company dawit umano ang dating mambabatas ay ang Sunwest Corporation at Hi-Tone Construction.

Mula taong 2016 hanggang 2025 ang ‘involved’ na mga kontrata at proyektong iginawad na aabot umano sa higit 100-bilyon piso.