Iminungkahi ni Senador Bam Aquino na dapat sampahan ng kasong Bid Rigging, alinsunod sa itinatakda ng Philippine Competition Act, ang sinumang kontratista o kumpanya na mapapatunayang nagkasala ng pandaraya upang makakuha ng mga proyekto mula sa gobyerno.
Layon ng mungkahing ito na sugpuin ang korapsyon at panagutin ang mga indibidwal o grupo na nagsasamantala sa sistema ng procurement ng pamahalaan para sa kanilang sariling interes.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, partikular na tinanong ni Senador Aquino ang Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa posibilidad ng bid rigging sa loob ng kontrobersyal na proyekto para sa flood control.
Nais ni Aquino na malaman kung may mga iregularidad o sabwatan na naganap sa proseso ng pagpili ng mga kontratista para sa nasabing proyekto.
Bilang tugon, kinumpirma ng DBM na mayroong indikasyon ng bid rigging sa kontrobersyal na proyekto. Ayon sa kanila, hindi sana nangyari ang mga kontrobersiyang ito kung naging malinis at transparent ang procurement process ng proyekto.
Dahil dito, idiniin ni Senador Aquino na sa ilalim ng Philippine Competition Act, mayroong malinaw na probisyon na nagtatakda ng parusa para sa sinumang mapatunayang sangkot sa bid rigging.
Ang mga mapapatunayang nagkasala ay maaaring mapatawan ng multang nagkakahalaga ng 100 milyon hanggang 250 milyong piso sa bawat paglabag.
Iginiit pa ng senador na bukod sa pagpapanagot sa mga indibidwal na responsable sa flood control scam, mahalaga ring mabawi ng taumbayan ang mga perang ninakaw ng mga kontratistang sangkot.
Naniniwala si Senador Aquino na ang pagsasampa ng kaso ay isang mabisang paraan upang mabawi ang mga pondong ninakaw mula sa bayan.