Lumobo na sa 44 ang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) UK variant dito sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at UP-National Institutes of Health (UP-NIH), ito ay matapos makapagtala ng karagdagdang 19 na kumpirmadong kaso ng UK covid variant na tinatawag ding B.1.1.7.
Wala naman umanong panibagong kaso mula sa 60 samples mula sa Region 7.
Ang 19 na karagdagang kaso ay bahagi ng ika-anim na batch ng 718 samples na isinalang sa sequencing ng UP-PGC noong Pebrero 8, 2021.
Nakuha naman ang mga samples sa ika-anim na batch sa lahat ng rehiyon maliban na lamang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Tatlo naman sa 19 na kaso ay mula Regio 11na kinabibilangan ng 10-anyos na lalaki, isang 54 year-old female at isang 33 year-old male.
Wala naman umanong koneksiyon ang tatlo sa isa’t isa at lahat sila ay mayroong mild symptoms ng sakit.
Dalawa naman dito ang taga-CALABARZON. isa ay 20-anyos na babaeng naka-recover na sa sakit na na-swab noong Disyembre 22, 2020 at ang isa ay 76 year-old female na may exposure sa positive case noong Enero 21.
Ang senior citizen ay nakararanas naman ng mild symptoms.
Samantala, walong Returning Overseas Filipinos (ROF) ang ang sumalang sa ROF catchment laboratories na positibo rin sa sakit.
Apat dito ay lalaki at apat ang babaeng may edad mula 28 hanggang 53-anyos.
Anim sa karagdagang ROF ay nasa isolation facilities habang ang dalawang tinamaan ng virus ay naka-recover na.
Ang karagdagang anim na kaso naman ay kasalukuyang inaalam kung ang mga ito ay local cases o mula sa mga Returning Overseas Filipinos.
Agad namang nagpatupad ng contact tracing ang pamahalaan sa mga nakasalamuha ng mga positibo sa bagong variant ng virus.
Ilalabas daw ng DoH ang karagdagang impormasyon sa mga bagong nag-positibo kapag ito ay available na.