Itinakda ng PBA sa buwan ng Agosto ang paglalabas nila ng pasya tungkol sa magiging kapalaran ng 2020 season na sinuspinde dahil sa coronavirus pandemic.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, ito ang napagkasunduan sa pulong ng board nitong Sabado, kung saan natalakay din ang magiging plano ng liga sa nalalabing bahagi ng taon.

Ikinokonsidera na rin aniya nila ang tuluyang pagkansela sa season depende sa magiging sitwasyon.

Inamin din ni Marcial na malabo na raw ang tsansa na magkaroon pa ng two-conference season kasunod ng desisyon ng gobyerno na palawigin ang enhanced community quarantine hanggang Mayo 15 sa ilang mga lugar lalo na sa Metro Manila.

“Malabo na dahil kailangang mag-resume ang practices ng mga teams by June,” wika ni Marcial.

Noong Marso nang suspindihin ng liga ang mga laro at ensayo bilang pag-iingat sa COVID-19.