-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa kalagayan ng mga Player ng national team na sasabak sa nalalapit na FIBA Asia Cup na nakatakda sa buwan ng Agusto.

Ito ay kasunod ng pagkababad ng mga Filipino player sa mahaba-habang PBA semifinals at sa finals na inabot ng pitong game.

Marami sa mga Gilas members ay bahagi ng apat na PBA team na umakyat sa semis at finals, tulad nina Junemar Fajardo, Jaime Malonzo, Scottie Thompson, RJ Abarrientos, Japeth Aguilar at Calvin Oftana.

Ayon kay Cone, ang pinakamalaking isyu sa kasalukuyan ay ang maraming bilang ng mga player na lumaban sa kabuuan ng season, lalo na ang mga umabot sa championship game.

Tiyak aniyang pagod na ang mga player habang ang iba sa kanila ay may kaniya-kaniyang injury concern.

Ikinababahala rin ng batikang coach na hindi 100% healthy ang Pinoy bigman na si Fajardo, ang pangunahing player ng Gilas na nagsisilbi bilang sentro.

Kasalukuyan din aniyang dumaranas ng injury ang iba pang magagaling na player ng bansa, kaya’t kailangang maging maingat ang koponan sa mga susunod na practice at pagpapahinga – kasama rito ang 7-footer na si Kai Sotto.

Sa unang lingo ng Agusto ay magsisimula na ang kampaniya ng Pilipinas para sa FIBA Asia Cup.

Simula sa Lunes (July 14), sisimulan na ng Gilas ang araw-araw na training, kasama ang mga available na player. / Bombo Genesis Racho