-- Advertisements --

Umaasa ang mga tagasuporta ni Pinoy Olympian Ernest John “EJ” Obiena na hindi maaapektuhan ng inaasahang malaking rally at bagyo sa Setyembre 21 ang kauna-unahang international pole vault event sa bansa, ito ang Atletang Ayala World Pole Vault Challenge, na pangungunahan ng top Filipino vaulter.

Gaganapin ang prestihiyosong paligsahan sa Ayala Triangle Gardens sa Makati, kung saan inaasahang dadagsa ang mga manonood upang masaksihan ang world-class na kompetisyon sa pole vault, isang bihirang pagkakataon sa kasaysayan ng Philippine sports.

Kasama ni Obiena sa kompetisyon ang walong world-ranked pole vaulters mula sa iba’t ibang bansa, kabilang sina:

🇺🇸 Austin Miller at Matt Ludwig (USA)
🇫🇷 Thibaut Collet (France)
🇩🇪 Oleg Zernikel (Germany)
🇵🇱 Piotr Lisek (Poland)
🇹🇷 Ersu Sasma (Turkey)
🇧🇪 Ben Broeders (Belgium)
🇳🇱 Menno Vloon (Netherlands)

Bagamat may pangambang maapektuhan ang daloy ng trapiko at seguridad dahil sa sabayang rally sa lungsod, nananatiling positibo ang mga fans na magpapatuloy ang event nang maayos at ligtas. Ayon sa mga organizers, nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan at mga awtoridad upang matiyak ang kaayusan sa paligid ng venue.

Ang World Pole Vault Challenge ay bahagi ng adbokasiya ni Obiena na itaas ang antas ng athletics sa bansa at bigyan ng inspirasyon ang mga kabataang atleta. Inaasahan din itong maging daan para sa mas maraming international sports events sa Pilipinas sa hinaharap.