-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni House Committee on Good Government chairman Jonathan Sy Alvarado na mayroon nang pinal na desisyon na nabuo para sa term-sharing agreement sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Lord Allan Velasco.

Sa text message na ipinadala sa Bombo Radyo, sinabi ni Alvarado na hinihintay pa nila ang resulta nang pagpupulong sa pagitan ng kampo nina Cayetano at Velasco kagabi sa Malacañang kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Pahayag ito ni Alvarado kasunod nang pagkumpirma ng source ng Bombo Radyo na si Velasco na ang uupong lider ng Kamara simula Oktubre 14.

Ayon kay Alvarado, naging “matindi ang debate” ng dalawang kampo kagabi nang humarap kay Pangulong Duterte para pag-usapan ang gentleman’s agreement na nabuo bago magsimula ang 18th Congress.

Base sa naturang kasunduan, unang uupo bilang House Speaker si Cayetano sa unang 15 buwan ng 18th Congress, habang si Velasco naman sa nalalabing 21 buwan.