-- Advertisements --

Nanawagan si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III ng pagkakaisa mula sa mga supporters ni dating pangulo Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos na kumalat ang mga larawan at videos ng mga kaso at isyu na siyang naganap sa panahon ng administrasyong Duterte na ginagamit ngayon bilang pambabatikos sa kasalukuyang liderato.

Ayon sa hepe, iisantabi na muna ang mga hidwaan at pagkakaiba dahil pare-pareho naman aniya tayong Pilipino at mas mainam din aniya na magsama-sama na lang para sa ikabubuti ng bansa.

Ipaubaya na rin sana sa International Criminal Court (ICC) ang proseso ng paglilitis sa dating pangulo sa ngalan ng pantay at tunay na batas.

Ani Torre, sa prosesong ito mas maalam ang ICC at nakabase ang paglilitis sa mga ebidensiyang ipiprisenta ng defense gayundin ang sa prosecution.

Huwag din sanang kalimutan na ang mga nagreklamo at mismong lumapit sa naturang korte ay mismong mga Pilipino rin na wala aniyang malapitan at nawalan ng pag-asa para sa hustisya noong panahon ng kampaniya kontra droga ng nakaraang administrasyong Duterte.

Samantala, muli namang nanindigan ang hepe na huwag na umano gumamit ng mga nagdaang isyu na siyang gagamitin bilang pambabatikos sa kasalukuyang liderato.

Hindi na rin aniya uso ang shortcut sa lahat ng imbestigasyon kaya iwasan na din sanang magreklamo ng mga tagasuporta ng dating pangulo at makiisa na lamang sa mas pagpapaganda at mas ikakaayos ng Pilipinas.