Inihayag ni Manila Rep. Joel Chua na posibleng nakagawa ng election offense si Vice President Sara Duterte kung mapapatunayang tumanggap ang kanyang kampaniya noong 2022 ng pondo mula sa Chinese nationals na may kaugnayan sa Pharmally.
Ayon sa Omnibus Election Code, bawal sa mga dayuhan ang mag-ambag sa kampanya, at ilegal din para sa mga kandidato na tumanggap ng ganitong donasyon.
Dagdag ni Chua, maaari itong magresulta sa culpable violation of the Constitution at malinaw na paglabag sa election laws kung mapapatunayang foreign nationals ang mga sangkot.
Batay sa affidavit ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating aide at bagman ni Duterte, tumanggap siya ng milyun-milyong piso mula kina Lin Weixiong at mga negosyanteng sina Tony Yang at Michael Yang para sa campaign activities.
Ginamit umano ang pondo sa operations ng ISIP, isang non-profit na sinasabing itinayo upang suportahan ang kandidatura ni VP Sara.
Ipinunto rin ni Chua na hiwalay pang usapin kung idineklara ba ang mga donasyong ito sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng Bise Presidente.
Samantala, nananatiling bukas ang House Committee on Justice sa panig ni Duterte upang sagutin ang mga alegasyon, habang patuloy naman itong hindi dumadalo sa mga pagdinig at naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang ipahinto ang proseso.
















