Binigyan ni Speaker Martin Romualdez ng limang linggo ang House Committee on Appropriations para himayin at aprubahan ang panukalang P5.768 trillion national budget para sa 2024.
Tiniyak naman ni Speaker Romualdez na magiging bukas ang isasagawang deliberasyon at pakikinggan ang boses ng minorya sa Kapulungan.
Sa kaniyang mensahe sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) briefing, binigyang diin ni Romualdez na sisiguruhin ng Kamara na bawat sentimo ng panukalang P5.768 trillion budget ay gagastusin ng tama.
Kumpiyansa din si Speaker na matatapos sa oras ang pambansang pondo lalo at maaga ito ng 20 araw sa deadline na itinakda ng Konstitusyon.
Hinikayat naman ni Romualdez ang kanyang mga kapwa mambabatas na maging aktibo at makibahagi sa limang linggong pagtalakay sa budget.
Ipinaalala rin ni Romualdez na ang pagkakaroon ng Kamara ng “power of the purse” ay isang responsibilidad na busisiin ng mabuti ang panukalang pambansang pondo at tiyakin na makatutugon ito sa eight-point socioeconomic agenda na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Marapat aniya na silipin mabuti ang budget proposal ng bawat ahensya gayundin ang mga programa at proyekto upang matiyak na maayos at tama ang magiging paggugol ng limitadong pondo.
Ipinunto din ni Romualdez na kanilang isasaalang-alang ang tiwalang ibinigay ng mga Pilipino sa paghimay sa pambansang pondo.