Isinusulong ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang Shipbuilding and Ship Repair (SBSR) Development Bill para gawing mas moderno at competitive ang paggawa at pagsasaayos ng mga barko sa bansa.
Bagaman nangunguna ang bansa sa supply ng seafarers at ika-apat sa pinakamalaking shipbuilder sa mundo, 66% ng 408 shipyards ang kailangan nang ayusin at 95% rito ay limitado sa maliliit na repair.
Ayon kay Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Sonia Malaluan, layon ng panukala na pabilisin ang pagkuha ng permits, gawing mas madali ang access sa pondo para sa shipyard upgrades, at magbigay ng fiscal incentives gaya ng VAT exemption, income tax holiday, at tax credits.
Kaugnay pa nito, tiniyak din ng ahensya na may sinusunod silang international standard upang masigurado na walang masamang epekto sa kalikasan ang gagawing operasyon. Patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources at Department of Energy.
Kasama rin sa plano ang pagtatayo ng Maritime Industrial Parks (MIPs) bilang sentro ng paggawa ng barko, training, at kalakalan, pati paggawa ng mga barkong gagamitin ng pamahalaan at pati na rin ang mga barkong gagamitin sa defense.
Kapag naisabatas, tinatayang makakalikha ito ng 100,000 trabaho at magpapalakas sa iba pang industriya gaya ng steel manufacturing, logistics, at port operations.