-- Advertisements --

Hiniling ng House of Representatives noong Sabado sa Senado na maglaan ng P1 bilyon para sa Nationwide Operational Assessment of Hazards (Project NOAH) sa ilalim ng 2026 national budget sa bicameral talks.

Ayon sa mga mambabatas, mahalaga pa rin ang mga mapa ng Project NOAH na tumutukoy sa mga panganib ng pagbaha, landslides, at storm surges, lalo na sa mga lokal na pamahalaan at publiko tuwing panahon ng bagyo at iba pang kalamidad dulot ng klima.

Sinabi ni Negros Occidental Rep. Javier Miguel Lopez Benitez na patuloy na ginagamit ang platform ng Project NOAH, na may milyon-milyong online searches, kahit na marami sa mga hazard maps nito ay hindi na na-update mula noong 2012.

Ayon kay Benitez, ang website ng Project NOAH ay nakatanggap ng 35 milyong online searches at sa mga peak times, na umaabot ng 2.5 milyong searches kada araw.

Samantala, sinabi naman ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, chair ng appropriations committee, na ang planong pondo ay gagamitin upang magsagawa ng simulations para matukoy ang mga lugar kung saan kinakailangan ang mga flood control projects, imbis na umasa sa mga luma at kulang na datos.

Makaraang inilunsad ang Project NOAH noong 2012 sa ilalim ng Department of Science and Technology upang mag-map ng mga lugar na prone sa baha, landslides, at storm surges. Nawala ang pondo ng proyekto noong 2017 at ipinasan ito sa University of the Philippines Resilience Institute, na patuloy na nagpapatakbo gamit ang limitadong resources.